Matapos magkabalikan pagkaraan na magkahiwalay ng 30 taon, inihayag nina Jomari Yllana at Abby Viduya na plano nilang magpakasal ng dalawang beses.
Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda"" nitong Biyernes, inilahad ni Jomari na nagpaplano sila ni Abby ng isang civil wedding bago matapos ang taon, at isang church wedding sa susunod na taon.
"End of the year, mabilis lang na civil wedding. Mag-Vegas [USA] kami,” sabi ni Jomari.
"Next year siguro 'yung church. Hindi puwedeng mawala 'yon,” pagpapatuloy niya.
Plano ng dalawa na magpakasal sa Peñafrancia Shrine sa Naga, kung saan din ikinasal ang mga magulang ni Jomari.
Mga teenager pa lang nang unang nagkakilala sina Jomari, 46-anyos na ngayon, at Abby, 45, sa show na “Gwapings Live!”
Nang iwan ni Abby ang showbiz, nanirahan siya sa abroad. Pero noong 2015, magkaroon muli ng regular na komunikasyon ang dalawa at nanumbalik ang kanilang pagiging magkaibigan matapos ang 30 taon.
At noong 2019, nagkabalikan ang dalawa.
“Marami kaming pinagdadaanan, pareho kami. Maraming kuwentuhan, maraming sharing, maraming guidance, maraming laughter,” sabi ni Jomari.
“Pero talagang magkaibigan lang kami, long lost friend na bigla mong nakakausap ulit and kahit ano nakukuwento mo na very comfortable, and then we became single pareho,” pagbahagi ni Jomari. --FRJ, GMA Integrated News