May positibong balita si Kris Aquino tungkol sa kaniyang pagpapagamot sa Amerika.
Sa Instagram post, ibinahagi ni Kris ang update tungkol sa kaniyang kalusugan, kasabay ng paggunita sa death anniversary ng kaniyang mga magulang na sina Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino.
Ayon kay Kris, natanggap niya ang second dose ng biological injectable para mapababa ang kaniyang IgE (immunoglobulin E), na antibodies sa may kaugnayan sa allergens sa katawan. Ang naturang injectable ay wala umano sa Pilipinas.
Pinuri umano si Kris ng kaniyang duktor dahil "kinakaya ko even though malapot at mahapdi 'yung ini-inject at malalim kailangan ibaon yung prefilled high tech syringe."
“Yes, matapang na ko sa halos lahat ng kailangan pagdaanan at mataas ang pain tolerance ko," saad niya.
Ayon kay Kris, nakaramdam siya ng pagbigat ng katawan matapos maturukan sa loob ng 72 oras.
“This will be every other week, optimistically for me to reach 'remission' over the next 10 to 12 months,” saad niya.
Mayroon ding methotrexate si Kris na kaniyang chemotherapy medication na tinatanggap niya isang beses sa isang linggo. Nagsisilbi itong immunosuppressant para tulungan si Kris sa remission ng kaniyang tatlong autoimmune conditions.
Saad ni Kris, may nakikita siyang magandang palatandaan na bumubuti ang kaniyang kalagayan. Inaasahan din na magkakaroon siya ng bagong gamot sa susunod na mga buwan.
“Thank you because our prayers are being answered—my last blood panel showed improvement—it’s slow progress, i have a long way to go…” saad ni Kris.
“I AM, against all odds (because of all my limitations with medicinal options), FINALLY, ON THE CORRECT PATH TO REMISSION and A BETTER QUALITY OF LIFE. Thank you to all. THANK YOU, GOD. #faith,” patuloy niya.
Ipinaliwanag din ng actress-host na walang gamot sa autoimmune disorders. Pero maaaring maiwasan ang mga life-threatening damage sa organs ng pasyente kapag maaagang nakita ang karamdaman at nagamot nang tama.
Umalis patungong US si Kris kasama ang kaniyang mga anak na sina Josh at Bimby noong nakaraang taon para sa kaniyang pagpapagamot. —FRJ, GMA Integrated News