Naglabas ng kaniyang saloobin ang drag artist na si Pura Luka Vega sa pamamagitan ng Twitter kaugnay sa pagdedeklara sa kaniyang persona non grata ng ilang lugar sa Pilipinas, gaya ng Lungsod ng Maynila.
Nitong Huwebes, sinabi ng "Drag Den Philippines" contestant na bukas naman siya sa pakikipag-usap pero idineklara na siyang persona non grata sa ilang lugar, o hindi siya katanggap-tanggap na magpunta roon.
"Tell me exactly what I did wrong," saad ni Luka sa post. "I'm open for a dialogue, and yet cities have been declaring persona non grata without even knowing me or understanding the intent of the performance."
Tell me EXACTLY what I did wrong. I’m open for a dialogue and yet cities have been declaring persona non grata without even knowing me or understanding the intent of the performance. Drag is art. You judge me yet you don’t even know me. ?????? https://t.co/dprxdySjkD
— Pura Luka Vega ???? (@ama_survivah) August 10, 2023
Nanindigan si Luka na "form of art"ang ginawa niyang pagtatanghal na nagbihis siya na tila santo habang tumutugtog sa mabilis na tempo ang Ama Namin.
"Drag is art," giit niya. "You judge me, yet you don't even know me."
Nitong Huwebes, ang konseho ng Maynila ang pinakabagong lugar sa bansa na nagdeklara kay Luka bilang persona non grata.
Ayon kay Manila District 5 Councilor Jaybee Hizon, hindi dapat gamitin para mang-insulto o manakit ng mga relihiyon ang kalayaan sa pagsasalita.
Idinagdag pa ng mga konsehal na mahalaga sa lungsod ang Itim na Nazareno, dahil dito ginaganap ang taunang Traslacion.
Nauna nang nagdeklara ang General Santos City, Floridablanca sa Pampanga, at Toboso sa Negros Occidental, na hindi welcome sa kanilang lugar si Luka.—FRJ, GMA Integrated News