Idineklara bilang persona non grata si Pura Luka Vega sa Lungsod ng Maynila, o hindi siya welcome sa lungsod.
Base sa ulat ng Super Radyo dzBB, “unanimous” ang desisyon ng konseho ng lungsod na ipasa ang resolusyon.
Ito’y matapos gumawa ng isang remix performance si Pura Luka Vega ng "Ama Namin" suot ang isang costume na hango sa Itim na Nazareno, na itinuring ng mga konsehal na “offensive” o nakasasakit ng damdamin.
Idinagdag pa sa ulat na sinabi ni District 5 Councilor Jaybee Hizon na hindi dapat gamitin para mang-insulto o manakit ng mga relihiyon ang kalayaan sa pagsasalita.
Idinagdag pa ng mga konsehal na mahalaga sa lungsod ang Itim na Nazareno, dahil dito ginaganap ang taunang Traslacion.
Kabilang sa iba pang lugar na nagdeklara kay Pura Luka Vega bilang persona non grata ang General Santos City, Floridablanca sa Pampanga, Toboso sa Negros Occidental, at Bukidnon.
Sinabi rin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na maaaring maharap sa kasong kriminal si Pura Luka Vega.
Sa isang eksklusibong panayam ng GMA News Online, sinabi ng drag artist na ang kaniyang "Ama Namin" performance ay walang layon na maging walang galang at ang kaniyang kanta ay kaniyang paraan upang ipagkasundo ang kaniyang pananampalatayang Katoliko sa kanyang pagiging queer.
Dagdag niya, ang pagsasagawa nito sa publiko ay isang "embodiment of God's love for all."
"I just want to create a narrative that despite all of these, Jesus, as the embodiment of God's love for all, does not forget about the oppressed, including the LGBTQIA+ community," saad niya.
Sinabi rin ng "Drag Den" contestant na naiintindihan niya "that people call my performance blasphemous, offensive or regrettable." — VBL, GMA Integrated News