Binalikan nina Mike “Pekto” Nacua at John Feir ang kanilang humble beginnings bilang mga production assistant sa telebisyon, hanggang sa mapansin ng kanilang mga idolo at kunin silang artista.
“Noong araw, ‘yung PA kasi parang walang katapusan ‘yung ginagawa eh. Parang lahat sa ‘yo eh. Hindi katulad ngayon, ‘pag sa audio ka, audio ka lang. ‘Pag nasa technicals ka, technicals ka lang,” pag-alala ni John sa “Fast Talk with Boy Abunda.”
“Noon all around. Kapag nasa audio ka, kailangan ikaw ang mag-[ayos] ng idiot board, ikaw ang magde-deliver ng tape,” pagpapatuloy ni John.
Kabilang sa mga GMA show kung saan nagsimula si John ang “Lunch Date,” “Salo-Salo Together” at “Nuts Entertainment.”
Inilahad ni John ang mga artistang madalas niyang makatrabaho.
“Ang hindi ko makakalimutan si Tito Joey (de Leon). Siyempre sa Lunch Date, ang aking idol, si Randy Santiago,” ani John.
Bukod dito, nakasabayan niya rin si Bayani Agbayani, na naging props man sa Salo-Salo Together.
“All around din siya Kuya Boy. Gaya nga ng sabi ko, ‘yung PA noon, all around lahat, lahat puwedeng gawin eh,” sabi ni John.
Si Pekto naman, nagsimula bilang isang propsman.
“Sa art department, ako as props man, ‘yung mga LED wala pa eh, so mano-mano may tao sa likod niyan. So merong tagapihit ng numero. Sobrang manual pa noong araw,” kuwento ni Pekto.
Naging co-host din ni Joey si Pekto sa isa pang gag show sa ibang network.
Hanggang sa tinawagan si Pekto nina Joey at Janno Gibbs, para sa sitcom na “Beh Bote Nga,” at ito ang kaniyang naging kauna-unahang show sa GMA.
Ayon kay Pekto, kinagiliwan siya ni Janno dahil sa kaniyang mataas na boses.
Si John naman, inalala noong kunin siya ni Joey para mag-beki sa Nuts Entertainment.
“Ako by accident naman,” pag-alala ni John.
“Sabi ni Tito Joey, ‘John Feir! Isuot mo na ‘yung wig diyan para matapos na tayo!’ Sinuot ko ‘yung wig galing sa basurahan. No choice, so may moya (amoy) ‘yung wig, sinuot ko, from that point, the rest is history,” pagpapatuloy niya.
Sa “Nuts Entertainment” nabuo ang comedic tandem nina John at Pekto na sina Cookie at Belly. — VBL, GMA Integrated News