Nakalabas na sa detention facility ng Bureau of Immigration (BI) sa Bicutan, Taguig ang business partner ni James Reid na si Jeffrey Oh, ang CEO ng Careless Entertainment, matapos magpiyansa.
Sa ipinadalang mensahe sa GMA News Online, sinabi ni Immigration spokesperson Dana Sandoval na Agosto 4 pa nang makalabas sa kanilang pasilidad ang Korean-American entrepreneur na si Jeffrey.
Sa “Today’s Talk” segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, sinabi ng King of Talk na kinumpirma ni Sandoval ang pagkakaaresto kay Jeffrey noong July 28 dahil sa kawalan umano ng visa at work permits.
“Totoo po ang lumabas na reports nitong nakaraang linggo na inaresto ng awtoridad ang 34-year-old business partner ni James Reid na si Jeffrey Oh dahil wala diumano itong work permit sa bansa,” ani Tito Boy.
“Inaresto si Jeffrey ng mga immigration operatives noong July 28 sa Poblacion, Makati matapos makatanggap ang Bureau of immigration ng reklamo na wala diumanong visa at work permit si Jeffrey,” dagdag niya.
Si Jeffrey ay isang Korean-American entrepreneur na nagmamay-ari ng ilang restaurants at bars sa Poblacion, kabilang ang West32, Japonesa, HQ, at Alamat.—FRJ, GMA Integrated News