Sa kaniyang ika-47 na kaarawan, hiniling ni Jhong Hilario ang kabutihan para sa kaniyang pamilya, lalo na para sa kaniyang anak na si Sarina.

“Ang wish ko sana maging maganda ‘yung bonding ng family namin hanggang sa tumanda ‘yung anak ko,” sabi ni Jhong sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

Sambit ni Tito Boy, parang sa pag-aalaga ng kaniyang magandang anak umiikot ngayon ang mundo ni Jhong.

“Totoo po Tito Boy na kapag meron kang anak at talagang nag-e-enjoy ka, nawawala ‘yung pagod,” pagpapatuloy ni Jhong.

Sa Fast Talk segment, inilahad ni Jhong na pangarap niya para kay Sarina, na dalawang taong gulang na ngayon, na maging successful sa buhay.

“Ako si Jhong, proud ako sa aking anak,” anang It’s Showtime host.

Makikita rin sa mga Instagram post ni Jhong ang bonding moment nila ni Sarina.

 

 

Isinilang ng long-time partner ni Jhong na si Maia Azores si Sarina noong 2021.--FRJ, GMA Integrated News