Nakadetine sa Bureau of Immigration (BI) facility sa Bicutan, Taguig ang business partner ni James Reid na si Jeffrey Oh, ang CEO ng Careless Entertainment.
Sa “Today’s Talk” segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, sinabi ng King of Talk na kinumpirma ng tagapagsalita ng BI na si Dana Sandoval ang pagkakaaresto kay Jeffrey noong July 28 dahil sa kawalan umano ng visa at work permits.
“Totoo po ang lumabas na reports nitong nakaraang linggo na inaresto ng awtoridad ang 34-year-old business partner ni James Reid na si Jeffrey Oh dahil wala diumano itong work permit sa bansa,” ani Tito Boy.
“Inaresto si Jeffrey ng mga immigration operatives noong July 28 sa Poblacion, Makati matapos makatanggap ang Bureau of immigration ng reklamo na wala diumanong visa at work permit si Jeffrey,” dagdag niya.
Ayon kay Tito Boy, sinubukan niyang alamin kay Dana kung sino ang nagbigay ng impormasyon laban kay Jeffrey pero tumanggi umano ng opisyal ng BI na magbigay ng detalye.
Si Jeffrey ay isang Korean-American entrepreneur na nagmamay-ari ng ilang restaurants at bars sa Poblacion, kabilang ang West32, Japonesa, HQ, at Alamat.
Ngayong taon lang, pumirma si Liza Soberano ng management contract kay James sa ilalim ng Careless.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makakuha ng pahayag mula sa Careless. — FRJ, GMA Integrated News