Kilala ng marami na si Sharon Cuneta ang nagpasikat sa awiting "Mr D.J." na nilikha ni Rey Valera. Ikinuwento naman ng OPM hitmaker kung papaano nakatulong ang patak ng ulan para makaisip siya ng kanta na babagay kay Sharon na dalagita pa lang noon.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkules, ibinahagi ni Rey na nagtatrabaho pa lang siya noon sa isang recording company nang sabihan siya ni Tito Sotto, na gawan ng kanta ang pamangkin nito na si Sharon, na noo'y 12-anyos pa lang.
Ayon kay Rey, naging problema sa kaniya kung ano ang kanta na isusulat para kay Sharon na maliit pa noon na alanganin para kumanta ng nursery rhyme at ganoon din para sa mga seryosong love song.
Patuloy pa ng singer-songwriter, dahil wala pa siyang sariling sasakyan noon at sumasakay lang sa jeepney pauwi ng Bulacan, nagkaroon siya ng inspirasyon ng kanta na para kay Sharon nang madinig niya ang patak ng ulan.
"Noon naman wala akong sasakyan pa, nakikisakay lang ako sa jeep sa Monumento papuntang Meycauayan," saad niya.
"Sumasakay ako doon sa, alam n'yo ba 'yung tapakan [ng jeep], doon ako umuupo eh paharap sa kalsada," patuloy niya.
Nang madinig ang patak ng ulan, nakaisip umano si Rey ng melody ng awitin at kaagad niya itong binuo nang dumating siya sa bahay.
Matapos mailagay sa cassette tape ang demo ng kanta, ibinigay niya ito kay Tito, na kaagad namang nagustuhan at nakita ang potensiyal na "gold mine" ito.
Pero nang sandaling iyon, wala raw sa isip ni Rey na magiging hit ang "Mr DJ,' dahil ang hangad lang niya ay mairaos ang iniutos sa kaniya ni Tito na gawan ng kanta si Sharon.
Naging malaking tagumpay ang "Mr. DJ," at mas nakilala ang dalagitang si Sharon bilang isang recording artist.—FRJ, GMA Integrated News