Certified trending ang parody song na "Oh Wow" by Hilaw, na mula sa "Uhaw" ng bandang Dilaw. Alamin kung paano ito ginawa ni Michael V.

Bukod sa nakakaaliw at may "laman" na mensahe ng awitin, nakadagdag sa pakulo ng music video na nagmistulang one-man-band si Michael V dahil siya ang singer, nasa keyboard, bass, at guitarist.

Panoorin ang video at tunghayan kung papaano itinayo ang stage na "Waste" na mistulang bus.

Sa Chika Minute report, sinabi ni Michael V na hindi patama sa content creators ang mensahe ng awitin kung hindi paalala.

Kabilang sa linya ng awitin ang: "Mag-react sa viral video ko walang effort content na 'tong pang-po-po-post," at "kahit 'di kaya pinilit kahit na pangit pwede na 'tong ipo-po-post."

"Ang dami yatang naka-relate. Nagiging toxic na rin kasi ang mga content creators ngayon," ayon kay Bitoy.

"'Yung mga content creators dapat alam n'yo ang salitang content. I'd like to say it's a reminder. Hindi lang sa kanila kundi sa sarili ko," dagdag niya. --FRJ, GMA Integrated News