Higit isang dekada na bilang isang mainstay sa ''Bubble Gang,'' kilala na sa kaniyang pagiging komedyante si Betong. Handa rin ba siyang sumabak sa drama?

Sa Surprise Guest with Pia Arcangel podcast, inilahad ni Betong na pangarap na niyang mag-on cam mula pa noong pagkabata.

“Siguro Ms. Pia ‘yun talaga ang naisip ko, gusto ko talaga mag on cam. Actually ‘yun talaga ‘yung pangarap ko nu’ng bata, gusto ko talaga maging artista, kaya lang hindi ko alam kung anong category,” natatawang sabi ni Betong.

Dahil dito, tinanong si Betong kung may plano rin siyang maging isang dramatic actor.

“Parang hindi yata ako pangdrama, Hahahahaha. Baka hindi maniwala e, parang iiyak ka pa lang baka tawanan ka. Hahaha.”

Inilahad ni Betong ang kaniyang mga iniidolo pagdating sa comedy.

“Actually more on mga komedyante talaga ang mga idol ko. Siyempre Dolphy, Panchito, Babalu mga ganiyan. And then noong lumalaki-laki ka na, ayan na sina Kuya Bitoy (Michael V.), sina Kuya Ogie (Alcasid), actually Si Tito Joey (de Leon). Isa sa alam mo yung Starzan, ayan ‘yung nag-Barbie siya, isa ‘yun tapos si Tito Jimmy Santos. Ayun yung mga idols ko talaga.”

Bago napanood on cam, naging bahagi muna si Betong ng GMA Public Affairs. Hanggang sa tanghalin siyang ikalawang Celebrity Sole Survivor sa “Survivor Philippines: Celebrity Doubles Showdown.”

Bukod sa napapanood sa Bubble Gang, isa rin si Betong sa mga host ng “Eat Bulaga” ng TAPE Inc. — VBL, GMA Integrated News