Masayang ikinuwento ni Betong Sumaya na hindi lang isa, kundi dalawang beses na siyang hindi nakilala ng mga guard sa APT Studios kung saan ginagawa ang noontime show na "Eat Bulaga" na isa siya sa mga host.

“Nakakatawang experience talaga sa mga guard although siyempre ginagawa lang naman nila ‘yung trabaho nila, so siyempre dahil parang kinakabahan ka, pinara kami,” kuwento ni Betong sa “Surprise Guest with Pia Arcangel.”

“‘Sabi, ‘Sino po ‘yan?’” tanong umano ng guard kay Betong.

“Ahh ito ‘yung driver, tapos ako 'to, sabi ko si Betong po,” tugon ng Kapuso comedian.

Gayunman, hindi pa rin daw nakilala ng guard si Betong.

“Sino?’ ‘Si Betong po.’ ‘Sino, sino?’ Hindi ako kilala," natatawang sabi ng komedyante. "Sabi ko [sa sarili], ‘Papasok pa ba ako dito, meeting pa lang ito hahaha!’”

“Hindi naibilin, Sabi ko ‘Betong po.’ Tapos tinanggal ko ‘yung mask ko, kasi naka-mask ako e, sabi niya, ‘Ahhh,’” pagpapatuloy na kuwento ni Betong.

Nangyari umano ang insidente ng Biyernes kung saan nakausap ni Betong ang mga executive ng TAPE Inc. Pero pagdating ng Lunes, naulit na naman ang insidente.

“Nu’ng Monday na first day, tinanong na naman ako," natatawa pa ring kuwento ni Betong. "Sabi, ‘Sino?’ Ang hirap naman Ms. Pia na sabihin ko, ‘Host po,’ baka hindi maniwala, hahaha!.”

“Baka akala nila si Dingdong (Dantes),” biro pa ni Betong.

Pero hindi ito ang unang beses na hindi nakilala ng guard ng artista si Betong. Maging sa GMA Network, hinanapan din ang aktor ng ID.

Sa isang panayam, ikinuwento ni Betong hinarang at hinanapan siya ng ID ng isang guard ng GMA noong 2019 dahil hindi alam na artista siya. --FRJ, GMA Integrated News