Inihayag ni Betong Sumaya ang kaniyang respeto sa mga dating host ng “Eat Bulaga” na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon, at sinabing hindi nila ito mapapantayan.

“Sabi nga namin ‘yung 44 years na talagang pinanood natin ‘yung TVJ, siyempre respeto talaga natin doon, hinding-hindi mawawala. Pero kahit kami sa sarili namin, ni katiting, talagang hindi namin sila mapapantayan,” sabi ni Betong sa "Surprise Guest with Pia Arcangel" podcast.

Ayon kay Betong, naging motibasyon naman nila bilang mga bagong host ng show ang magpasaya ng mga tao.

“Pero ‘yun nga sabi nga ni Paolo (Contis) doon sa interview, andito kami as entertainer, and ‘yung trabaho namin is to entertain ang mga tao, so kung ang reason at ang magiging motivation namin eh ipagpatuloy ‘yung pagbibigay saya sa mga tao, sino kami para humindi, para hindi magsabi na ayaw namin,” anang Kapuso comedian.

Ayon kay Betong, malaki ang pagkakaiba sa pagho-host niya sa Eat Bulaga, lalo’t nanggaling siya sa GMA Public Affairs, at kalauna’y naging bahagi ng "Bubble Gang."

“Ito, this is pure hosting talaga, hosting live, so iba siya. So talagang nu’ng first day Ms. Pia para kaming nasa perya,” natatawang sabi ni Betong.

Matatandaang kumalas sina Tito, Vic at Joey sa TAPE Inc., ang producer ng "EB," na blocktimer sa GMA, nitong Hunyo.

Sinundan ito ng pag-alis din ng iba pang host tulad nina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Maine Mendoza, Ryan Agoncillo, Allan K, at Ryzza Mae Dizon.

Pinangunahan naman nina Betong, Paolo, at Buboy Villar ang grupo ng mga bagong host ng "Eat Bulaga" noong Hunyo 5, 2023, at kalaunan ay nakasama na rin si Isko Moreno. --FRJ, GMA Integrated News