Bilang bahagi ng puspusang paghahanda sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa July 24, inihayag ng isang lider ng Kamara de Representantes kung sino ang mamamahala sa produksyon nito.
Nitong Lunes, inihayag ni House Secretary General Reginald Velasco, na ang Radio Television Malacañang o RTVM ang mamamahala sa produksyon sa SONA ng pangulo ngayong taon.
Nang tanungin kung si Paul Soriano pa rin ang magiging direktor sa SONA gaya sa unang SONA ni Marcos noong 2022, sabi ni Velasco na, "The RTVM will take care of it."
Hinirang ni Marcos si Paul bilang presidential adviser for creative communications.
Sabi pa ni Velasco, “The RTVM will take care of it. They have veterans there, and we were told na kayang kaya nila ‘yan.”
”These RTVM people...in all the events where the President is the main guest or the keynote speaker, they provided coverage, so they already know what to do. That is the information we got,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Velasco na hindi niya alam kung bakit hindi si Soriano ang magdi-direk sa SONA 2023 nang tanungin muli siya ng media.
"That is just the information we got in today’s final meeting of the inter-agency committee taking care of the SONA preparation," anang opisyal.
“It is the prerogative of the Office of the President and the Presidential Communications Office. That is the only information we got,” patuloy niya.
Ayon kay Velasco, ipatutupad ang lockdown sa Batasang Pambansa Complex na pagdarausan ng SONA simula sa Huwebes, July 20.
“In terms of preparation, we are 95% [done], including physical arrangements and security. All invitations have been sent and we are just waiting for the final guest list of offices. We hope to get it by today,” pahayag nito.
“We are confident that everything will be all set by Friday for the technical rehearsal. There will be a simulation [nang mga gagawin sa 24th],” patuloy ng opisyal.
Sina Brillante Mendoza at Joyce Bernal ang mga naging direktor sa mga SONA ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. —FRJ/KG, GMA Integrated News