Sa latest vlog ni Vice Ganda, tinanong ng "It's Showtime" si Andrea Brillantes kung papaano magmahal ang aktres na napaulat na hiwalay na kay Ricci Rivero.

Pag-amin ni Andrea, handa niyang ibigay ang lahat nang kaya niyang ibigay kapag nagmahal siya.

"Actually bakla din ako magmahal, bakla ako magregalo sobra," anang aktres.

Sa naturang panayam, may binanggit na isang "nabigyan" si Andrea na umabot sa milyong piso ang halaga.

Ngunit hindi direktang nanggaling kay Andrea ang naturang halaga, sa halip, ibinawas iyon mula sa "TF" o talent fee ng aktres nang i-push niyang makasama sa isang proyekto ang lalaki.

Hiningan ni Vice ng komento si Andrea tungkol sa pagbawi sa mga regalo kapag naghiwalay ang magkasintahan.

Pag-amin pa ni Andrea, sentimental siyang tao kaya hindi niya kadalasang isinasauli ang mga bagay na natatanggap niya.

Nang tanungin ni Vice bakit hindi na lang niya ibalik, sabi ni Andrea, "Ay, magkakapera pa ko dun eh 'di ba, ibebenta ko."

"May pang shopping ko, ba't ko pa isosoli sa kanya eh ang gagawin lang din naman niya bibigay niya lang din naman sa iba 'yun," sagot ni Andrea.

Nang tanungin kung may binawi naman si Andrea sa naibigay niya? Tugon ng aktres, "Kasi alam n'yo Meme, 'pag kinuha ko kasi lahat ng binigay ko sa kanya wala na siyang gamit sa condo niya."

Ayon kay Andrea, wala siyang pinagsisihan sa mga ginagawa niya kapag nagmahal siya.

Sinabi pa ng aktres na kaya niyang mag-move on mula sa breakup sa loob lang ng "five business" days.

Kamakailan lang, napaulat ang breakup nina Andrea at basketball player na si Ricci Rivero. —FRJ, GMA Integrated News