Viral sa social media ang video na makikita si Lea Salonga na malumanay na nagpapaliwanag kung bakit hindi niya puwedeng pagbigyan ang fans na nagpunta sa kaniyang dressing room para magpa-picture matapos ang kaniyang "Here Lies Love" show sa Broadway.

Nasa video ang fan na si Cristopher Carpila at ilan pa niyang kasama, habang naghahanda na si Lea na lumabas mula sa kaniyang dressing room.

Dahil wala sa guest list at hindi niya kilala ang mga ito, sinabihan ni Lea na hintayin na lang siya sa labas ng backstage. Ayon pa sa aktres, hindi sila dapat nandoon dahil sa isyung seguridad.

"Unless you're on the guest list we cannot have you back here," ani Lea. "I'm sorry because if I allow this now then other people are gonna take advantage."

Isang babae ang nagsabi na kaibigan siya ni G Töngi at co-producers sila ng show. Pero hindi nagbago ang pasya ni Lea.

"Please don't do this again," saad ng aktres.

Habang kasabay ang grupo ng fans na naglalakad, itinuro ni Lea kung saan ang palabas. Habang naglalakad, panay ang papuri ni Cristopher kay Lea.

"Lea idol na idol ka po namin. You're so pretty, wala ka pang kupas. Napakagaling mo, napakahusay mo. Grabe talaga we're so proud of you," saad niya.

Nagpasalamat naman si Lea sa papuri pero sinabi niya na kailangan niyang maging mahigpit sa mga pumapasok sa dressing room.

"Yes po, we understand po the protocol," sagot naman ng fan.

Gayunman, bago pa man makarating sa exit, tinawag na ni Lea ang grupo para gawin ang picture taking.

Sa Facebook post, isinulat ni Cristopher na kinunan niya ng video ang insidente dahil pinaalis daw sila harap ng stage matapos ang show.

"Ang lakas talaga ng pakiramdam ko na ganun ulit ang gagawin niya kaya talagang hinanda ko ang video ko," anang fan.

"Para kaming mga basurang pinagtabuyan sa harap ng mga taong andoon (Filipino at Amerikano),"saad niya na hindi kasama sa video.

May mensahe pa siya kay Lea.

"If ever naman po na mali kami at wala sa guest list, the fact na andun na kami para lang magpa-picture, pumila at nagbayad ng mahal para sa show, siguro naman po bilang kapwa Pilipino at mga fans eh mabigyan ng kahit konting respeto at kahit hindi na yakapin or i-beso ay mapagbigyan na kahit sandaling magpa-picture," paliwanag niya.

Sa Twitter, ibinahagi ni Lea ang ginawa ng BTS member na si Jung Kook na tinanggihan ang mga pagkain ipinadala ng fans sa kaniyang bahay.

"Just a reminder... I have boundaries. Do not cross them. Thank you," ani Lea.

 

"Just a reminder... I have boundaries. Do not cross them. Thank you," she said.

 

Ibinahagi rin ni Lea ang lumang video habang nagpapaliwanag sa press sa katulang na isyu na ipinost ng isang fan.

"When personal boundaries and space are violated, then how am I supposed to react?" ani Lea sa video.

 

 

Samantala, nag-post ng isa pang video si Cristopher upang sabihin sa publiko na magpo-post pa siya ng video para ipaliwanag kung bakit sila nasa labas ng dressing room ni Lea. 

"Nag-video ako nito kasi gusto kong ipaalam sa inyo na ipopost ko na po 'yung video na kung bakit nandun po kami. Kaya sana pag napanood n'yo po 'yan ay maging fair po tayo," paliwanag niya.

"Hindi ko po pagpipilitan kung ano 'yung magiging conclusion n'yo pero sana let's just be fair para alam mo na everybody happy," patuloy niya.

May ilang fans na tumawag sa grupo ni Cristopher  na "entitled."

"Fans should respect her privacy, have some consideration. May mga dapat sundin na protocol, fans should know their limit," saad ng Twitter user. —FRJ, GMA Integrated News