Inilahad ni Chito Miranda na pagaling na ang gitarista ng banda nilang Parokya ni Edgar na si Gab Chee Kee, na nakatakdang sumailalim sa huli nitong therapy session.

"Good news talaga. Nasa last session na siya ng chemotherapy next month," sabi ni Chito sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

"Ayaw ko pa magsalita nang tapos pero parang everything is going back to normal, so I'm really excited about that," dagdag pa ng Parokya ni Edgar frontman.

Matatandaang inilabas na ng Intensive Care Unit si Gab na naospital dahil sa pneumonia.

Una rito, na-diagnosed si Gab na may lymphoma noong nakaraang taon at sumasailalim sa chemotherapy.

Ipinasubasta ang electric guitar na pirmado ng bandang Eraserheads, at ginamit para sa pagpapagamot ni Gab ang kikitain. --FRJ, GMA Integrated News