Inihayag ni Anne Curtis na isa sa mga Kapuso na gusto niyang makatrabaho sa isang proyekto ang kapatid niyang si Jasmine Curtis-Smith.

"It's all about finding the right project and material for the both of us, but definitely," sabi ni Anne sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

Bukod dito, bukas din ang aktres na magkaproyekto sa Kapuso Network.

“Oo naman po. Even before ‘It’s Showtime’ was on GTV, I was able to do a film with GMA Films and Viva,” sabi ni Anne.

Sa ulat ng Saksi, sinabing bumisita ang “It’s Showtime” host sa GMA compound nitong Martes.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, binalikan ni Anne kung paano nagsimula ang kanyang karera pati na rin ang kauna-unahan niyang love team kasama si Chubi Del Rosario bilang Kapuso.

Ayon kay Anne, marami siyang magagandang alaala bilang Kapuso. Aniya, sa GMA ang kaniyang unang teleserye, sa GMA din ang una niyang comedy show, pati na ang dancing at singing experience.

Kasabay nito, naging emosyonal din si Anne nang personal na niyang makaharap ang binatang kaniyang tinulungan para sa pagpapaospital ng kapatid nito noong 2020, at iabot sa kaniya nito ang regalong charcoal portrait nila ng asawang si Erwan Heussaff. --FRJ, GMA Integrated News