Inihayag ni Anne Curtis na halo-halong emosyon ang naramdaman nilang mga host ng “It’s Showtime” nang magkaroon ng “rigodon” sa mga noontime show noong nakaraang buwan. Ang pangamba, napalitan daw ng saya ang makatagpo ng bagong tahanan sa GTV ng GMA Network ang kanilang programa.

“I think noong panahon na ‘yon mixed emotions talaga siya, we were scared, we were sad we were curious. And then we became excited, we became happy and grateful. It was a roller-coaster talaga of emotions during that period,” sabi ni Anne sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.

Matatandaang nagsimulang mapanood ang "It’s Showtime" sa GTV noong Hulyo 1.

“Ngayon sobra kaming excited, happy every day na pumasok. Lumawak lalo ang pamilya namin,” anang actress-TV host.

Inilahad ni Anne ang sikreto nila sa tagumpay ng kanilang noontime show.

“I think what makes ‘It’s Showtime’ work is that our main goal ever since was to make the Madlang Pipol happy. Along that journey we were able to form a family that shared that same goal. And I think that’s what works,” paliwanag niya.

Pumirma ng kontrata sa GTV ng GMA ang “It’s Showtime” noong nakaraang buwan, itinuturing hudyat ng pagtatapos ng sinasabing network war.--FRJ, GMA Integrated News