Ibinahagi ng APO Hiking Society na ilan sa kanilang hit songs ay isinulat lang nila sa napkin o kaya naman ay naisip habang nakasakay sa bus.
Sa “Surprise Guest with Pia Arcangel,” inilahad ng nina Jim Paredes at Boboy Garrovillo ang ilang kuwento kung paano nila nabuo ang ilan sa kanilang OPM hits.
Anila, ang mga unang lyrics ng kantang “Pumapatak ang Ulan,” ay isinulat lamang nila sa napkin nang hindi inaasahang magkaroon sila ng inspirasyon dito.
Dapat biglaan ang pagpasok sa isip nila ng ideya, kinailangan agad nila itong isulat para hindi nila makalimutan.
"Kasi minsan, nagti-trip lang kami sa Baguio nu’n tapos he wanted to sing a song for a friend. Tapos boredom lang naman ang kuwento nu’n e, parang ganu’n," kuwento ni Boboy.
"Inumpisahan niya tapos mamaya, we jam with it lang. Two chords lang ang ginagamit namin e, and then eventually it becomes a song, ganu’n lang," pagpapatuloy ni Boboy.
Si Jim naman, nagdadala ng nauuso noong mga cassette tape para agad na niyang mai-record ang kantang kaniyang binubuo.
Ang kanta naman nilang “New Day,” nabuo noong nakasakay si Jim sa bus.
Kuwento ni Jim, mayroon nang naglalaro sa kaniyang isip tungkol sa isang lalaki na pasakay ng bus. Kaya noong kaniyang pag-uwi, inilabas niya ang kaniyang gitara at nagsimulang tumugtog at sumulat ng lyrics.
"So when I got home, the moment I played on guitar, that's really [on] my mind. And that song became a hit. This was our first hit, actually,” sabi ni Jim.
"But there was no vinyl. No record, people need to buy it. They only bought it, like, a year later," sabi ni Jim.
"Nagkaroon ng hit doon without any recording company," hirit naman ni Boboy.
Bukod kina Boboy at Jim, miyembro rin ng APO Hiking Society si Danny Javier, na pumanaw noong nakaraang taon sa edad na 75.
Magkakaroon ng dalawang gabing concert ang APO Hiking Society sa Hulyo 15 at 16 para sa kanilang ika-50 anibersaryo.
Bukod sa kanilang OPM hits, may mga bagong awitin din umanong ipaparinig sina Jim at Buboy.--FRJ, GMA Integrated News