Nagbigay ng pahayag si Tito Boy Abunda sa nangyaring pakikipagkita ni Bimby Aquino Yap kamakailan sa mga namamahala ng Cornerstone Entertainment. Indikasyon na nga ba ito na papasukin na ng anak ni Kris Aquino ang showbiz?

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, inilahad ni Tito Boy na siya ang nag-host ng dinner para sa pagpupulong, at siya rin ang nagsilbing guardian ni Bimby.

Ipinakita ang isang larawan na kasama nina Bimby at Tito Boy ang ilang executives ng Cornerstone Entertainment, na namamahala sa career ng ilang sikat na celebrity.

 

 

“Doon sa pag-uusap namin, we were trying to explore kung ano ang mga puwedeng mangyari, the possibilities. Puwede bang mag-artista si Bimb, ano ba ang aming gagawin? But it was more of an exploratory meeting,” saad ng King of Talk.

Ayon kay Tito Boy, mayroong permiso ng ina ni Bimby na si Kris ang naturang pagpupulong.

“Kung may developments po ang kuwentong ito ay ibabahagi ko po sa inyo,” anang TV host. --FRJ, GMA Integrated News