Sa shop na pag-aari ni Jayson Jay Luzadas o Boss Toyo, ang tatlong polo na ginamit nina Francis Magalona, Chito Miranda at Gloc 9 sa music video na "Bagsakan," ang itinuturing niyang prized possession na nabili niya sa halagang P850,000. Pero handa niya kaya itong pakawalan sa halagang P2 milyon?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing bumibili at nangongolekta si Jayson ng mga lumang gamit o memorabilia, kabilang ang mga gamit na may kaugnayan sa mga celebrities.

At sa mga nabili niya, ang pinaka-espesyal kay Jayson ang tatlong puting polo na may disenyo ng 3 star and a sun, na ginamit nina Francis Magalona, Chito Miranda at Gloc 9 sa music video na "Bagsakan."

Ayon kay Jayson, nabili niya ang polo ni Gloc 9 sa halagang P80,000. Ang polo naman ni Chito, nabili niya sa auction sa halagang P150,000.

Pinakamahal naman ang polo ni Francis na nabili rin ni Jayson sa auction sa halagang P650,000. Sa kabuuan, P850,000 ang halaga ng tatlong polo.

Isang kolektor naman ang nagka-interes sa naturang tatlong polo na nais bilhin mula kay Jayson. Unang tinawaran ang tatlong polo ng P1 milyon, na kinalaunan ay dinagdagan pa ng P500,000.

Ang pinakasagad na presyong ibinigay ng nais bumili, P2 milyon.

Gayunman, pinili ni Jayson na huwag ibenta ang tatlong polo.

"Hindi ko siya ibinigay kasi gusto ko siyang ipamana sa mga anak ko. At ini-expect ko yung pagdating ng panahon doble o magti-triple in the near futre [ang presyo]," paliwanag niya.

Samantala, isa namang sasakyan na pag-aari ng namayapang Master Rapper na si Francis, ang nais ibenta ni Engr. Allan Racasa, kay Jayson sa halagang P1.3 milyon.

Isa raw tagahanga ni Francis si Allan kaya binili niya noon ang naturang sasakyan na isang 1999 model SUV. Ito umano ang gamit ni Francis nang habulin noon ng mga pulis.

Ngunit dahil napalitan na ang kulay ng sasakyan at ilan na rin ang nagmay-ari, ayon kay Jayson, bumaba na ang value ng sasakyan at tinawaran niya ito ng P500,000.

Dahil hanggang P1.1 milyon ang sagad na presyo ni Allan, nagpasya siyang huwag na munang ipagbili ang sasakyan.

Samantala, inihayag ni Jayson ang mga gamit na nais niyang makuha. Kabilang ang espada na ginamit ni Fernando Poe Jr. sa pelikulang Panday; ang barbell na ginamit na props sa Captain Barbell; at ang damit na isinuot ni Ina Raymundo sa sikat na commercial na "Sabado Nights." --FRJ, GMA Integrated News