Itinuturing ni "Eat Bulaga" host Isko Moreno na healthy competition ang paglipat ng "It's Showtime" sa GTV.

Sa panayam ng GMANetwork.com, sinabi ng dating alkalde ng Maynila na ang mga tao ang makikinabang sa mga nangyayari sa noontime programming.

“I'm happy for our people, why? Ang dami nilang option ngayon. Kumbaga sa hotel, buffet,” sabi ni Isko na host sa segment sa G sa Gedli ng Eat Bulaga na napapanood sa GMA 7 tuwing tanghali.

Ayon pa kay Yorme, mas magpapagalingan din ang mga programa na mas maganda rin para sa mga manonood.

“Competition brings the best out of everybody. So, if everyone is doing their best so masaya ako para sa mga kababayan natin,” saad niya.

“Kasi ang mapapanood nila is mga the best. It's a healthy competition and again and again in our own little way, Eat Bulaga [and] GMA Kapuso will do our best,' dagdag ni Isko.

Ipinaalala rin ni Isko na, "There's no monopoly of noontime show."

“I wish everyone good luck. Uulitin ko there's no monopoly of noontime show, but at the end of the day, kapakinabangan ba ng tao kapag gumaganda ang mga television shows sa free TV," ani Yorme.

Sa segment na G sa Gedli, lumalabas sa kalye si Isko para maghanap ng mga taong matutulungan at mabibigyan ng tulong pinansiyal.

Sa isang episode, isang may breast cancer ang masuwerteng natulungan ni Yorme para may maipangtustos sa kaniyang chemotherapy. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News