Makaraang ihayag ni Ricci Rivero na unang linggo ng Mayo nang maghiwalay sila ni Andrea Brillantes, hindi na ba sinubukan ng basketbolista na makipagbalikan pa sa aktres?

Sa ikalawang bahagi ng panayam sa kaniya sa “Fast Talk with Boy Abunda” na ipinalabas nitong Martes, sinabi ni Ricci na hindi na niya sinubukan pang ligawan muli si Andrea para magkabalikan sila.

“Did you try to win her back?” diretsahang tanong ni Tito Boy kay Ricci.

“No,” sagot ng binata. “Kasi Tito Boy siguro for the longest time, I was trying to not give up on the relationship. And sabi ko, for me to give up, siguro sobrang puno na.”

Ipinaunawa rin ni Ricci kay Andrea na kinailangan na niyang magsalita dahil “nabubugbog” na umano siya ng mga batikos.

“She knows why I’m speaking up right now, kasi ang tagal ko nang sinasabi sa kaniya... maayos kaming nag-uusap eh, maayos ko ring sinasabi sa kaniya na ‘Wait lang bugbog na ako eh," paliwanag ng binata.

"‘Ikaw hindi ka nahihiyang magsalita kasi lahat ng sympathy nasa ‘yo eh. Okay lang, naiintindihan ko, hindi ganu’n kahirap. Pero sa akin bugbog na ako eh,'” patuloy niya.

“Tapos kung makikita tayo ng mga tao na ganito, parang walang problema, maayos na nag-uusap. Dadating din siguro ako sa time, if hindi man mabot sa time na mag-speak up ka for what really happened, siguro magsasalita rin ako,” pagpapatuloy ni Ricci.

Gayunman, wala raw regret si Ricci sa naging relasyon nila ni Andrea.

“About this relationship? Wala tito Boy,” saad niya. --FRJ, GMA Integrated News