Isinagawa na ni Arjo Atayde at ng kaniyang pamilya ang tradisyunal na pamamanhikan sa pamilya ng kaniyang fiance na si Maine Mendoza.

Ibinahagi ni Sylvia Sanchez, ina ni Arjo, sa kaniyang Instagram ang ilang larawan ng pagdalaw ng kanilang pamilya sa pamilya nina Maine sa Bulacan noong Linggo, Hunyo 25.

“The Ataydes & Mendozas will soon merge as one family,” caption ni Sylvia, na nakatakda nang maging biyenan ni Maine.

Ayon kay Sylvia sa isa pa niyang post, ang pagpunta ng kanilang pamilya sa tahanan ng mga Mendoza ang “The Very Important Destination.''

Na-engage sina Arjo at Maine Hulyo noong nakaraang taon.

Kongresista ngayon si Arjo ng first district ng Quezon City.

Nagsimulang pag-usapan ang relasyon nina Maine at Arjo noong December 2018. Pagsapit ng Enero 2019, kinumpirma ni Arjo na "exclusively dating" na sila ni Maine. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News