Nagkuwento si Barbie Forteza tungkol sa nakakakilig na moment nila ni David Licauco habang nasa yate. Ang aktres, hindi raw maka-awra dahil sinasabihan ng “ganda-ganda naman” ng binata.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa ''24 Oras,'' sinabi ni Barbie na si David ang mismong kumuha ng litrato habang nagka-break sila sa shooting ng kanilang pelikula na "That Kind of Love."

"Ewan ko, nagandahan siya sa akin. Umaawra-awra pa kong ganiyan, gumaganiyan-ganiyan, sabi niya, 'Ganda-ganda naman!'”

"So natawa na 'yung lola mo. Pero hindi ibig sabihin nu’n hindi totoo, maganda din naman talaga, na-appreciate ko lang 'yung compliment,” pagpapatuloy ni Barbie.

“[Paano] kasi aawra ng ayos kung ang sinasabi ng photographer, ‘ganda ganda naman’” caption ni Barbie sa pag-repost niya ng tweet ni David.

Ayon kay Barbie, ang eksena nila ni David sa yate ang isa sa mga nakakakilig na dapat abangan sa pelikula.

Naging hamon para kina Barbie at David ang shoot dahil pareho silang mahihiluhin.

"Tawang-tawa kami ni David du’n, parehas kaming hilong-hilo. So itinatawa na lang din namin 'yung hilo namin bilang nandu’n na kami," ani Barbie.

Lumipad patungong South Korea ang dalawa noong Mayo para sa shooting ng kanilang pelikula.

Bago nito, pumatok sa fans ang tambalan nilang “FiLay” sa hit Kapuso historical portal fantasy series na “Maria Clara at Ibarra.” —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News