Iminumungkahi ni Carla Abellana na mabigyan ng proteksyon ang animal actors na gumaganap sa mga teleserye, pelikula at iba pang entertainment shows.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing katuwang ni Carla sa adbokasiya ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS), na nagmumungkahing ipagbawal ang animal cruelty sa set, at hindi rin dapat ginagamit bilang props ang mga hayop.
Bukod sa workplace safety para sa mga hayop, matagal nang isinusulong ni Carla ang responsible pet ownership at iba pang animal rights.
Samantala sa Instagram, isinulong din Carla ang pagtigil sa dog meat trade na laganap pa rin sa ibang lugar sa bansa.
Sa kaniyang post, ni-repost ni Carla ang post ng Animal Kingdom Foundation tungkol sa kalunos-lunos na sinapit ng isang aso na kinitil ang buhay para sa karne nito.
“I use my platform so that you are aware of what happens around your neighborhood every single day. Because if you’re not aware, then how can you help put an end to such things? Will you allow this to just keep happening?” caption ni Carla sa post.
May hashtag itong #EndTheDogMeatTrade at #StopAnimalCruelty. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News