Itinanggi ni Buboy Villar ang ilang usapin na mamamaalam na umano siya sa Eat Bulaga.

"Sa mga Kapuso at mga Dabarkads, una sa lahat lubos po akong nagpasalamat sa Diyos sa mga biyayang aking natatanggap at sa lahat ng mga sumuporta at patuloy na sumusuporta sa akin,” panimula ni Buboy sa isang pahayag sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.

“Gusto ko lang po linawin na hindi po totoo ang mga kumakalat na balita na ako ay nagpaalam na sa noontime show na Eat Bulaga. Patuloy pa rin po akong magpapasaya sa ating mga Dabarkads!" pagpapatuloy ni Buboy.

Gayunman, sinabi ni Tito Boy Abunda na may mga pagkakataong posibleng hindi makapag-host si Buboy dahil sa schedule sa iba pa niyang mga programa. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News