Hindi ikinaila ng aktres na si Judy Ann Santos na "nagrebelde" at "nagwala" siya noong kabataan niya. Ang dahilan, sa kabila kasi ng tinatamasang kasikatan, nakaramdam siya ng kalungkutan.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, ikinuwento ni Judy Ann na nagsimula siya sa showbiz sa pagsama-sama lang sa kapatid niyang aktor na si Jeffrey Santos.
Hanggang sa nabigyan na rin siya ng break sa showbiz at nagkaroon ng TV series kasama si Gladys Reyes, na hindi raw nila inakalang papatok sa mga manonood.
Hanggang sa nagkasunod-sunod na ang kaniyang mga proyekto sa pelikula at telebisyon.
"Yung talaga dumating ako sa point na I was doing three movies in one year and two shows in one year, all at the same time," sabi ni Judy Ann.
"Dumarating ako sa set na kinailangan ko nang tanungin yung team ko. 'Sino nga ako dito? Sino ang direktor natin?' Nawawala na ako sa sarili ko," dagdag ng aktres.
Dahan-dahan, naramdaman umano ni Judy Ann na nawawalan na siya ng gana sa buhay at nalulungkot. Wala na umano siyang mapagkatiwalaan at walang maituring na tunay na kaibigan.
"Nagrebelde ka?," tanong ni Tito Boy kay Judy Ann.
"Yes," pag-amin ng aktres.
Sinabi ni Judy Ann na ang panahon na lumalabas at naglalasing siya ang maituturing niyang "rebellious point" ng kaniyang buhay.
Pero dahil wala pang social media noon, walang naging katibayan nang ginawa niyang "pagwawala."
"Hindi ako nagwawala sa hindi ko bahay o hindi pribadong lugar. Hanggat maaari, hindi talaga ako pupunta sa isang inuman na masama ang loob ko na alam ko na ang gusto kong gawin ngayon gabi ay magwala," kuwento ng aktres.
"Ina-allow ko yung sarili ko na kailangan kong pakawalan 'tong galit na 'to, kailangang pakawalan 'tong frustration na 'to. Kasi otherwise may maapektuhan na akong tao, may maapektuhan na akong trabaho. And they desserve na maapektuhan kung anuman ang pinagdadaanan ko," paliwanag niya.
Ayon kay Judy Ann, nangyari ang maituturing low point ng kaniyang buhay sa panahon na nagtatagumpay siya.
Kaya naman sinabi ng aktres na kailangang matutunan ng tao na mabalanse ang dalawang parte na iyon ng buhay at maging aware kung ano ang nais niyang mangyari sa kaniyang buhay.--FRJ, GMA Integrated News