Nais ng aktres na si Pokwang ng kalayaan at hindi na makita sa Pilipinas ang kaniyang dating partner na si Lee O'Brian.
Ito ang inihayag ng "TikToClock" host sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kaugnay sa inihain niyang reklamo sa Bureau of Immigration (BI) laban kay Lee.
Kabilang umano sa mga reklamo na binanggit ni Pokwang sa reklamo niya laban kay Lee ay financial abuse, intimidation, at abandonment ng kanilang anak na si Malia.
Taong 2021 pa hiwalay sina Pokwang at Lee pero nanatili pa rin sa bansa si Lee, na isang American national.
"Gusto ko na lang ng kalayaan, 'yung alam ko na wala na siya dito," sabi ni Pokwang.
Ayon sa abogado ni Pokwang na si Atty. Rafael Vincente Calinisan, niloloko umano ni Lee ang gobyerno dahil nagkukunwari itong turista pero nagtatrabaho sa Pilipinas kahit walang work permit.
"So nagkukunwari siyang turista pero ang ginagawa naman talaga niya is nag-e-empleyo o naghahanap ng trabaho dito sa ating bansa," saad ng abogado.
"Ngayon na nagkasira sila ni Madam Pokwang, sadly, does it really make it right that he stays here?," dagdag niya.
Ayon kay Pokwang, kinukuha ni Lee ang kita sa kanilang YouTube channel, at hindi binibisita ang anak nilang si Malia kahit binigyan niya ito ng visitation rights.
Inamin ni Pokwang na hindi siya naglalabas ng hindi magandang salita noon laban kay Lee, dahil nais niya itong bigyan ng pagkakataon na magbago at magpakumbaba.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ni Lee. —FRJ, GMA Integrated News