Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Biyernes, hindi naiwasang itanong sa guest na si Jackie Lou Blanco ang paghihiwalay nila ng dating asawa na si Ricky Davao.

Pagtatapat ni Jackie Lou kay Tito Boy, kung may nais man siyang baguhin sa mga nangyari, nais niyang hindi  na sana sila naghiwalay ni Ricky Davao.

"Siguro kung meron akong babaguhin, sana hindi kami naghiwalay ni Ricky (Davao), kung mababago ko siya. Only because I can see how affected my children were, although they are very understanding," anang aktres.

"Pero you know that they have been affected in many ways. So sana, hindi na lang para hindi sila naapektuhan in those ways," pagpapatuloy ng aktres.

Sa kabila ng hiwalayan nila ng aktor at direktor, sinabi ni Jackie na co-parenting pa rin sila ni Ricky.

"What we can do now, both of us is to, well malalaki na kasi ang mga anak ko -- to co-parent and to still, I guess do what we can with what we have now, kasi hindi mo na puwedeng baguhin 'yon eh," pahayag pa ng aktres.

Katunayan, magkakalapit lang ang bahay nila ni Ricky, at puwedeng magpabalik-balik sa kanila ang mga anak.

Gayunman, aminado si Jackie na bihira silang mag-usap ni Ricky.

"Not so long conversations, but I do. If I have to tell something that I cannot say in person I text him. Sometimes he answers, sometimes he doesn't answer. But even if he doesn't answer, kung ano man ang nilalapit ko sa kaniya, ginagawan niya ng paraan," paliwanag ni Jackie Lou.--FRJ, GMA Integrated News