Pumanaw na ang batikang aktor na si John Regala nitong Sabado sa edad na 55.

Namaalam ang aktor dahil sa iba’t ibang karamdaman, ayon sa talk show host at showbiz writer na si Aster Amoyo, isa sa mga kaibigan ni John sa showbiz industry na tumulong noong mangalap ng pondo para sa kaniyang pagpapagamot.

Kinumpirma ng pamangkin ni John na si Nene Lour Billones Bendijo sa GMA News Online ang pagpanaw ng aktor.

“Kailangan tanggapin, at naawa na rin po sa kalagayan niya dahil hirap na hirap na din po siya,” sabi ni Nene na nagdalamhati sa pangyayari.

Pumanaw si John dahil sa cardiac arrest. Naiwan niya ang dalawa niyang anak, kung saan ang isa ay sa una niyang asawa at nakabase sa US., at isang inampon niyang 30-anyos na anak na lalaki.

Si John, na John Paul Guido Boucher Scherrer sa tunay na buhay, ay napanood sa “That’s Entertainment" mula 1986 hanggang 1988.

Sumikat siya bilang action star at sa kaniyang mga role bilang kontrabida sa “Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story,” “Askal,” "Zombading: Patayin Sa Shokot Si Remington," at ang orihinal na “Encantadia.”

Nakilala si John bilang isa sa mga "bad boy" ng pelikulang Pilipino sa husay niya sa pagganap bilang isang kontrabida.

Nakapanayam si John ng GMA News noong 2016 kung saan ikinuwento niya ang pagkakalulong niya noon sa ilegal na droga.

Napagtagumpayan na raw ito ni John sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos at sa tulong na rin ng pamilya.

 

Noong 2020, kinumpirma ni John na siya ang nasa viral na larawan na lalaking nasa bangko sa gilid ng bangketa habang may hinihintay umanong tulong medikal sa Pasay City.

Napag-alaman din na may sakit na liver cirrhosis ang batikang aktor. —LBG, GMA Integrated News