Nilinaw ni GMA Senior Vice President Annette Gozon-Valdes na hindi kontrolado ng GMA Network ang mga pangyayari sa "Eat Bulaga," na nauwi sa pagkalas nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey De Leon, at iba pang hosts sa TAPE Inc.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ikinalungkot ng Kapuso network ang mga pangyayari.
"Kung may say control lang tayo, may say lang tayo sa mangyayari, siyempre hindi natin sila papakawalan. 'Yun ang term nila. Pipigilan natin sila. Susubukan natin gawin ang lahat para mag-stay sila sa atin kaya lang sa totoo hands off ang GMA diyan kasi it was an internal issue between TVJ and TAPE, Inc.," ani Gozon-Valdes.
"So, wala naman talaga kaming alam about those issues. Nalaman lang namin ang issues kapag lumalabas sa social media, sa newspaper o sa interviews so it wasn't right for us na makialam," dagdag niya.
Paliwanag pa ni Gozon-Valdes, walang kinakampihan ang GMA.
"From the start, wala talagang kinampihan ang GMA dito. Katulad nga ng sinabi ko it was their internal issues, it was a corporate issue," saad ni Gozon-Valdes.
Tungkol sa usapin ng kontrata ng TAPE Inc. sa GMA, ipinaliwanag ni Gozon-Valdes, "Para siguro mas maintindihan ng mga tao ang contract kasi ng GMA is with TAPE. Wala kaming contract with TVJ as talents of or as kasama ng TAPE. Ang contract na ito ay isang blocktime agreement."
"Ang ibig sabihin nun umuupa sila ng time slot sa atin sa GMA. Binabayaran nila tayo ng upa at para sila yung laman ng noontime slot from monday to saturday. Kung ano ang laman nun, wala tayong kinalaman dun," patuloy niya.
"In fact, nasa contract nila that they can change hosts, they can reformat and this contract was negotiated by Mr. [Antonio] Tuviera pa ang nag- negotiate nung time na 'yun," ani Gozon-Valdes.
"We have to honor the contract as long as there is no breach of its provisions. Kasi you know iba ang contract, eh it has legal consequences," dagdag pa niya.
Sinabi ni Gozon-Valdes, na hindi magbabago ang relasyon ng GMA sa TAPE, Inc. at maging sa TVJ at iba pang hosts ng 'Eat Bulaga.'
"I fervently believe that it won’t change because iba naman 'yung GMA and iba naman 'yung TAPE. Labas ang GMA sa issues nila with TAPE," ani Gozon-Valdes.
Hinihintay ng GMA ang pagbabalik ng noontime show. Ang TAPE umano ang magpo-produce ng show sa nasabing timeslot.
Nakahanda naman ang Sparkle—ang talent management arm ng GMA—na magamit ang mga talent sa show.
"Kung wala namang conflict and pumapayag yung talents why not 'di ba? Its really a separate business kung mabibigyan naman ng trabaho yung talents namin why not and we've been doing this even before magka falling out years and years back," ani Gozon-Valdes.
"Tulad ni Alden galing siya sa Sparkle. Tulad ni Bianca and Ruru talagang we provide talents," dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News