Inilahad ni Joross Gamboa na hindi man siya seryoso noong una, nakita niya ang kahalagahan at kagandahan ng pagiging isang artista. Kaya ngayon, mas hangad niya ang tumagal sa industriya kaysa sumikat.
Sa online talk show na “Just In,” kung saan host si Paolo Contis, ikinuwento ni Joross na natural na sa kaniya ang pagiging palabiro at pilyo noong kaniyang kabataan. Katunayan, sanay na siyang laging napapatawag sa principal’s office ng kanilang paaralan.
Hanggang sa sumali sa Joross sa isang reality-based talent competition noong 2004 sa edad 19.
“Pakonti na kami nang pakonti ng mga barkada ko. Wala naman akong talent eh, hindi ako kumakanta, although sumasayaw ako pero ‘yung audition ko kanta, nahulog daw ‘yung tatay ko sa upuan,” natatawang sabi ni Joross.
“Doon ko napatunayan ‘yung awa. Kapag naawa talaga sa ‘yo ‘yung tao. Naawa sila sa audition ko. Wala naman akong sinabing malungkot na storya, kumanta lang ako. ‘Nakakaawa naman, anong kailangan niyan?’” pabirong dagdag pa niya.
Sa una, hindi pa niya siniseryoso ang pagsali sa naturang kompetisyon.
“Kaya noong [reality-based talent competition], ang image sa akin, mayabang. Dahil sa totoo lang, wala kasi akong pakialam kung makapasok ako or hindi, dahil magma-migrate talaga ako pa-US dahil nursing student na ako noon,” anang “The Missing Husband” actor.
“Wala lang akong pake. Kung matanggal okay lang.”
Sa kabila nito, tinangkilik ng mga tao si Joross, at naka-love team pa niya ang aktres na si Roxanne Guinoo.
“Sabi ko ‘Ganito pala ang showbiz… Kumbaga, hindi ko naman habol talaga ang fame, pero bigla na lang dumating,” saad niya.
Isa si Joross sa mga runner-up ng sinalihan niyang talent competition.
“Aminin natin, kami siguro ‘yung first batch ng reality show na biglang sikat,” sabi niya.
“Walang taong ready… kumbaga nasa process ‘yun eh, bigla kang sumikat. Kaya ‘yung iba hindi kayang i-handle ‘yung kasikatan,” dagdag ni Joross.
Dito, nakita ni Joross ang kahalagahan ng showbiz para sa ibang tao.
“Pero dahan-dahan kong nakikita ‘yung, dahil sa pinagdadaanan ng iba. Dahil kami, hindi naman ako breadwinner sa family namin, may kaya naman ‘yung parents ko… ‘Yung iba nakikita ko ‘yung ‘Ito ang mag-aayos ng buhay namin.’ Nakikita ko, bakit ganito ka-importante sa iba, bakit ako wala lang? Dahan-dahan kong natututunan ‘yung process na ‘yun ng pag-aartista.”
Mula sa kaniyang imahe ng isang pagiging pogi na teenybopper, tinahak ni Joross ang comedy.
“Kasi never kong pinangarap na maging sikat. Kumbaga nag-stick ako kung sino ako, which is mas gustong mag-comedy.”
Sa pagtagal niya sa industriya, unti-unti na ring nagseryoso si Joross sa pag-aartista.
“As I mature, siyempre nagkaroon ka na ng pamilya. It’s not about me anymore, kumbaga para na ‘yun sa pamilya ko. Nasa journey ‘yun, kapag nabibigyan ka ng magandang project o opportunity, nagpa-plant ng seed ‘yun sa journey ko sa pagiging artista.”
Para kay Joross, mas habol niya ang magtagal sa showbiz kaysa sumikat.
“Sa akin kasi ang longevity ang hinahabol ko. Kasi ang iniidolo ko noon si Tito Eddie Garcia.”
“Nakikita ko ang pattern na ginagawa ko, halimbawa magbabading ako, mag-a-action ako, kontrabida, magla-love team. Nae-enjoy ko naman lahat eh. Hindi ako ‘yung ‘Hindi ako kumportable sa comedy,’ ‘Hindi ako kumportable sa drama.’ Na-e-enjoy ko lahat dahil privilege ang pagiging artista dahil nae-experience mo ‘yung iba’t ibang sitwasyon ng mga tao, iba’t ibang pinagdadaanan,” dagdag pa niya.
“So mas madali ka mag-grow as a person kasi mas malawak ang pananaw mo. Mas gusto kong magtagal kaysa sumikat,” sabi ni Joross. —LBG, GMA Integrated News