Inilahad ni Kiray Celis na ang nobyo niyang Stephan Estopia ang kaniyang “The One.”
“He is,” agarang sagot ni Kiray nang tanungin sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.
“Kasi hindi lang ako ang nagsasalita eh, [pati] pamilya ko. Kinukulit na ako ng mama ko,” pagpapatuloy ni Kiray, na sinabing pinayagan na siyang magpakasal.
“Bago ko bigyan ng P1 million ang mama ko, ‘Bawal kayong maglabas ah, kayong dalawa. Bawal.’ Noong nabigyan ko ng P1 milyon sabi niya, ‘Kelan kayo magpapakasal?’”
Pagbalik-tanaw ni Kiray, katulad niya, nanggaling din si Stephan sa isang relasyon na niloko.
Naging bestfriend si Stephan ng kaniyang kapatid ng 10 taon, at labas-pasok lang noon sa kanilang bahay.
Kuwento ni Kiray, hindi sila nag-uusap noong una ni Stephan.
“Noong nabanggit ko sa kapatid ko sabi niya ‘Mabuting tao ‘yan ha, huwag mong sasaktan.’ Tapos ako, ‘Ha, hindi. Wala namang ‘meron’ sa amin.’ ‘Yun agad ang sinabi ng kapatid ko. Hindi magsasabi ‘yung kapatid ko ng ganoong statement kung hindi siya ganoon kabuti,” kuwento ni Kiray.
“Napatunayan ko na totoo talaga,” anang Kapuso actress. “Noong na-meet siya ng parents ko, ang gaang Tito Boy, ang gaang [sa pakiramdam].”
Nauna nang inilahad ni Kiray na nanumbalik ang dating siya nang makilala na niya si Stephan, na naging daan para maka-move on siya mula sa maling tao.--FRJ, GMA Integrated News