Binalikan ni Pauline Mendoza ang mabigat na pagsubok na dumaan sa kanilang pamilya nang matuklasan na mayroong breast cancer ang kaniyang ina noong 2017. Ang aktres, nagpapasalamat na kasama pa rin nila ngayon ang kaniyang ina.
“It was tough Tito Boy, mahirap talaga. Nalaman ko na na-diagnosed ‘yung mom ko, nasa taping ako at that time,” kuwento ni Pauline sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.
Ayon kay Pauline, ayaw ng kaniyang mga magulang na nakararamdam siya ng stress kaya itinago nila ito sa kaniya. Ngunit kalaunan ay kailangan din nila itong ipaalam sa kaniya.
“Nasa taping ako that time, tinext ako ng mom ko, ‘I was diagnosed with breast cancer.’ Nasa taping ako noon tapos lahat pa ng eksena ko masasaya,” saad ng Kapuso actress.
“At first hindi ko alam kung paano ko siya na-process. Going back to that moment, biglang na-feel ko na, ‘yun na nga...,” sabi ni Pauline, na nagsimula nang maging emosyonal.
“Only child kasi ako Tito Boy, so it was really hard for me,” saad niya.
“Hindi sanay ang parents ko na umiiyak ako kasi… I mean… Ayokong makita nila ako,” saad niya sabay biro na umiiyak siya ngayon.
“Noong nalaman ko ‘yun, hindi ko pinakita sa parents ko na malungkot ako, umiiyak ako. Pero ngayon umiiyak ako ‘di ba?,” patuloy ni Pauline.
Sa kabila ng kanilang pinagdaanan, nakita ni Pauline kung gaano katapang ang kaniyang ina kahit na may iniindang sakit.
“Nakita ko sa mom ko kung gaano siya katapang. She’s the strongest, she’s the bravest. And sobrang kakaiba siya Tito Boy, kasi noong nalaman niya na may breast cancer siya, parang normal lang sa kaniya, parang wala siyang sakit at all. Kami pa ‘yung natatakot ng dad ko for her.”
Gayunman, hindi pa rin naiwasan ni Pauline na kuwestiyunin ang Diyos kung bakit sila ang napiling bigyan ng ganoong kabigat na pagsubok.
“I started to question Him, bakit kami? Bakit ako? Bakit si mom?,” saad niya.
Tinanong ni Tito Boy si Pauline kung nakahanap ba siya ng kasagutan. Ayon sa aktres, nahanap niya ang sagot sa kaniya ring ina.
“Binigay sa akin ni God ‘yung answers kay mom pa rin. Na kung gaano siya katapang. Like whatever happens, kayang pagdaanan. So ang pinagdaanan naming tatlo with my dad, with my mom and ako.”
Nagpapasalamat si Pauline na kahit binigyan ng taning ang buhay ng kaniyang ina, nananatili pa rin nila itong kasama.
“Ngayon ika-fifth year na niya. Sabi ng doctor hanggang five years lang daw siya to live because she has stage 4 breast cancer. But she’s doing okay now," pahayag niya.
"Naniwala ako na, sabi ni God na, kakayanin niyong tatlo ‘yan and binigyan Niya ako ng faith. Naniwala ako sa Kaniya na kung gaano katapang ‘yung mom ko, tinry kong maging mas matapang, para sa kaniya, para sa aming tatlo,” saad ni Pauline.
--FRJ, GMA Integrated News