Isang malaking proyekto ang nakatakdang gagawin ng Kapuso actor na si Dennis Trillo. Gaganap siya bilang kauna-unahang serial killer sa Pilipinas na may pamagat na "Severino.”
Ang kuwento ay batay sa tunay na mga pangyayari tungkol sa isang pari na serial killer na si Severino Mallari, na nangyari noong panahon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas.
Itinuturing na ang kaso ni Mallari ang kauna-unahang documented na serial killer sa Pilipinas.
Ang proyekto ay inanunsyo sa Cannes Film Festival, na eksklusibong iniulat ng Variety.
Ang “Severino" ay sa ilalim ng produksyon ng Filipino content production company na CreaZion Studios, na nasa likod din ng award-winning na mga pelikula na “1st ko si 3rd," "Iska," at “Patay Na Si Hesus.”
Nakipag-partner din ito sa production and financing company na Fire and Ice Productions.
Dati na ring gumawa si Dennis ng international project na “On the Job: The Missing 8,” na kinilala sa Venice International Film Festival. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News