Ikinuwento ni Manilyn Reynes ang kaniyang naging pangamba noon na maaaring matuldukan ang kaniyang singing career matapos siyang magkaroon ng nodules o mga bukol, at nawala ang kaniyang boses.
“There was never a time na napagod ako and I wanted to walk away or go away. Ang sa akin po, nagkataon na nagkaroon ako ng nodules before and I thought it was really the end of my singing career,” kuwento ni Manilyn sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miykeroles.
“And that is why I wanted to leave. Kasi hindi nga po ako makaka-sing. Talagang naiyak ako noong nalaman ko,” pagpapatuloy niya.
Natuklasan niya ito nang minsan siyang kumanta sa isang jamming.
“Kakanta ako. It was not even for a concert eh, parang jamming lang. Paghawak ko ng mic, pag-open ko ng bibig ko walang lumabas na voice. Akala ko lang ‘yung mikropono.”
Pagkabuwelo ni Manilyn para ihanda ang kaniyang boses, wala pa ring lumabas.
“Wala, wala as in wala. Super cry ako talaga. Kasi ito ‘yung ginagawa ko eh, ito ‘yung kabuhayan natin. And then wala siya. So paano?,” saad niya.
Isa si Manilyn sa mga sikat na singer-actress sa kaniyang kapanahunan. Naging bahagi siya ng mga love team noong 1980s at nakatambal sina Janno Gibbs, Keempee de Leon, at Ogie Alcasid.
Bumida na siya sa maraming pelikula gaya ng “Shake, Rattle and Roll, at Kapuso shows tulad ng “Pepito Manaloto” at “Maria Clara at Ibarra.” --FRJ, GMA Integrated News