Pinasubalian ni Claudine Barretto ang mga usapin na hindi umano niya dinalaw ang puntod ng kaniyang ka-love team na si Rico Yan noong ika-21 death anniversary nito. Katunayan, dinadalaw niya ang aktor gabi-gabi.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, inilahad ni Claudine na Marso 26 nang makatanggap siya ng tawag mula sa ina ni Rico na si Tita Sita Yan na magsasagawa ng misa para kay Rico sa Linggo sa Manila Memorial Park.

Dadaluhan daw ito ng RYCB (Rico Yan-Claudine Barretto) fans pati na rin ng kaniyang fans na Claudinians.

Bagama’t hindi nakadalo sa anniversary dahil sa naunang proyekto, gabi-gabi naman daw binibisita ni Claudine si Rico.

“As much as I really wanted to, I’m doing a movie of Ms. Imelda Papin. I had shooting so I wasn’t able to attend. So what happened was, I always visit Rico, always, at nighttime,” paglilinaw ni Claudine.

Nagpasalamat si Claudine sa pamunuan ng Manila Memorial Park sa pag-escort sa kaniya sa kaniyang pagbisita sa puntod ni Rico tuwing gabi.

Nabakante si Claudine noong Abril 9, Easter Sunday, na kaarawan din ng kaniyang kaibigan. Pagkagaling sa birthday party sa Alabang, muling dumaan si Claudine sa puntod ni Rico.

“I always naman make a video when I visit Rico for myself. A lot of people were commenting sa Instagram ko saying ‘Bakit hindi ka man lang nag-visit,’ ‘Nakakatampo.’ I prayed about it and I said, ‘O sige ilabas ko na lang,’ na I went there. Nilabas namin ang video.”

 

 

Panawagan ni Claudine sa fans: “Please huwag niyo lang kalimutan si Rico.”

“My heart is overjoyed because the RYCB fans, hindi talaga nila kinalimutan si Rico up to this. And for that I will forever be grateful,” sabi ni Claudine.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News