Nagdagdag ng timbang si Gabby Eigenmann habang kamuntikan namang ahitin ni Epy Quizon ang kaniyang kilay para sa kani-kanilang role sa “Voltes V: Legacy” bilang sina Commander Robinson at si Zuhl.
"I actually gained weight for it," kuwento ni Gabby sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
"Well, I was gaining weight due to pandemic, but it helped me really build that character kasi Commander Robinson is really big sa cartoons," pagpapatuloy ni Gabby.
Ayon kay Gabby, gusto niyang gayahin ang hitsura ni Commander Robinson para maging kapani-paniwala sa audience.
“So sabi ko ituloy-tuloy ko kaya para pasok pa rin,” kuwento ng aktor. "Because people probably wonder, ‘Anime ito tapos gagawing live action pero bakit ganiyan ang hitsura?’”
Si Commander Robinson ang lider ng Earth Defense Force, co- designer ni Voltes V, at ama ni Voltes V pilot Jamie Robinson.
Si Epy naman, muntik nang ahitin ang kaniyang kilay dahil walang kilay ang Boazanian scientist na si Zuhl sa anime series.
“Nakunan na may kilay. Pero talagang sabi ko, I was so immersed with the role of Zhul na sabi ko, ‘Ahitin ko na ‘yung kilay ko,’” kuwento ni Epy.
Pumayag ang producers sa desisyon ni Epy, ngunit naalala nilang may nauna na siyang eksena na mayroon siyang kilay.
“Aahitin ko na, sabi, ‘Teka muna, nakunan na pala.’ So sayang,” pagpapatuloy ni Epy.
Mapapanood na ang Voltes V: Legacy sa Mayo 8 sa GMA Telebabad, GTV, I Heart Movies at Pinoy Hits.--FRJ, GMA Integrated News