Inihayag nina Epy Quizon at Gabby Eigenmann na mali ang paniniwala ng iba na madaling nakapasok sa showbiz industry kapag anak ng artista. Inilahad din nila ang disadvantage kapag mula sa angkan ng mga celebrity.
“Akala nila madali para sa amin na makapasok ng industriya kasi anak ka ni Dolphy or anak ka ni Ralph (tunay na pangalan ni Mark Gil). Akala nila madali,” sabi ni Epy sa “Fast Talk with Boy Abunda” episdoe nitong Huwebes.
“Pero pagpasok mo, ikukumpara ka agad sa mga kapatid mo, sa tatay mo. ‘Yun ‘yung maling expectations ng tao,” pagpapatuloy ni Epy.
Ayon kay Epy, mas madalas siyang maikumpara sa kaniyang amang si Dolphy kaysa kaniyang mga kapatid.
“‘Yun ang pinakamahirap. Ang hirap, Dolphy agad? How can you fill in a shoe that that’s big?” sabi ni Epy.
Gayunman, nakatatanggap pa rin si Epy ng mga komento na katulad siya ng King of Comedy.
“It was an advantage na anak ka ng artista or galing ka sa angkan ng mga artista. It was an advantage, a stepping stone, easier way to show business. Pero ang problema lang is they expect you to be as good as your dad or as good as your tito,” sabi naman ni Gabby.
Ayon kay Gabby, nagsimula siya sa pagkanta at hindi sa pag-arte.
“Sabihin nila ‘Sana kasing galing niya ang lolo niya si Eddie Mesa.’ It was a pressure, pressure para sa amin ‘yon,” pagpapatuloy ni Gabby.
“Misconception nga is akala nila it was easier for us. Mahirap kasi they tend to compare nga eh. I-e-expect nila na kasing galing mo, pero iko-compare nila na ‘parang mas magaling pa rin ang daddy mo, mas gwapo ang daddy mo,’” sabi ni Gabby.
Kasama sina Epy at Gabby sa Voltes V: Legacy, na ipalalabas na sa Mayo 8 sa GMA Telebabad, GTV, I Heart Movies at Pinoy Hits. -- FRJ, GMA Integrated News