Ikinuwento ni Nelson Canlas ang kaniyang pagsisikap sa pangarap na maging isang reporter sa telebisyon sa kabila ng pagtutol sa kaniya noon ng kaniyang ina.
Sa online talk show ni Paolo Contis na “Just In,” binalikan ni Nelson ang kaniyang humble beginnings bago maging isang kilalang news anchor at correspondent sa Kapuso Network.
Panganay sa apat na magkakapatid, naiwan na si Nelson sa Pilipinas sa edad 17 nang magtungo na ang mga ito sa Amerika.
Sa pag-udyok ng ina, nag-aral si Nelson ng marketing.
“Kasi sabi ng nanay ko ‘Kailangan maging businessman ka.’ Sabi ko ‘Gusto ko sa TV,’” ayon kay Nelson.
“I’ve always wanted to be a writer. Mahilig akong manood parati noon ng news tapos ‘yung mga Eye to Eye (isang Kapuso talk show na host si Inday Badiday). Sabi ko ‘I want that kind of work,’ pero sabi ng nanay ko ‘Huwag ka nang mag-journalism kasi walang pera diyan. Huwag ka nang mag-TV. Wala tayong kilala,’” pagpapatuloy ng Updated with Nelson Canlas podcast host.
Dahil sa pagtutol ng kaniyang ina sa kagustuhan niyang mag-journalism, nag-aral din ng computer science si Nelson.
“Hindi uso kasi noon sa amin ‘yung kung ano ang passion mo, what are you going to be happy about. The community I grew up with, mas matriarchal. Kung ano ang sinabi ng nanay ko, eh since ang nanay ko ang nagsusutento sa akin no’n, siya ‘yung nasusunod.”
Ngunit nanaig ang kagustuhan ni Nelson na magtrabaho sa media, at nakapasok siya noon sa ABS-CBN.
Gayunman, pinilit pa rin siya ng kaniyang ina na umatras, at sa halip ay asikasuhin na lang ang petition niya sa US.
“Sabi ko ‘Ma hindi ‘yan ang gusto ko. Kasi ang kapatid ko merong locksmithing business, hindi ko kayang gumawa ng ganiyan. Gagawin ko na lang ito,’” pagtindig ni Nelson.
“‘Bahala ka. You’re on your own,’” tugon daw sa kaniya ng kaniyang ina. “Sinunod ko ‘yung gusto ko.”
Ngayon, masaya ang pamilya sa achievement ni Nelson sa pagiging isang senior news correspondent sa GMA Integrated News.
“Kasi kapag hindi ako nakikita ng nanay ko sa TV tumatawag eh. ‘Oh wala kang storya?’” kuwento ni Nelson.”
“Isang araw lang akong mawala sa GMA, ‘Nasa GMA ka pa ba?’” —VBL, GMA Integrated News