Binalikan ni Eugene Domingo ang buhay niya noon nang nagsisimula pa lang siya sa pag-arte. Kasama sa hindi niya malilimutan ang tanong sa kaniya ng isang batikang direktor tungkol sa kaniyang ilong.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, inalala ni Eugene nang gumanap siya noon sa “Emma Salazar Case,” na panahon nang magkausap sila ng direktor na si Tony Mabesa.
“We watched in the movie house. When we saw each other, sabi niya sa akin, ‘Ayaw mo bang magpa-nose lift?’” kuwento ni Eugene sa tanong sa kaniya ni direk Tony.
“‘Bakit sir?’," tanong daw ni Eugene sa direktor.
"‘Napanood kita sa sine. Kailangan may ilong ka nang kaunti,’” kuwento pa ng aktres sa naturang pag-uusap nila ni direk Tony.
Nilinaw ni Eugene na batid niya na maganda ang intensyon ng naturang mungkahi ng direktor.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Eugene na hindi niya ikinonsidera ang magpatangos.
“Never ko siyang na-consider... He wanted me to be improving in that aspect, baka may iba siyang gusto for me. But later on, he realized this face is the face that showbiz needs,” sabi ni Eugene.
Itinanghal na Best Actress si Eugene sa ika-7 Cinemalaya Film Festival at ika-10 Gawad Tanglaw for Films para sa “Ang Babae Sa Septic Tank.” Wagi rin siyang Best Actress sa ika-35 Gawad URIAN Awards para sa nasabing pelikula.-- FRJ, GMA Integrated News