Marami raw ang nagugulat kapag nalaman na 56-anyos na si Kuya Kim Atienza, na nagiging fitspiration na rin sa iba dahil sa kaniyang body transformation. Paano nga ba ginagawa ng TV host ang kaniyang workout, at ano ang maipapayo niya sa mga gustong pumasok sa fitness?
Sa kuwentong Dapat Alam Mo!, sinabi ni Kuya Kim na dumaan muna siya sa maraming pagsubok bago na-achieve ang kaniyang “Kuya Kim Version 2.0.”
Dahil “living the best time of my life,” sinabi ni Kuya Kim na lumobo ang katawan niya noon dahil sa "one to sawa" ang kaniyang pagkain.
“Naging dad bod ako, ‘yung taba ko noon mga 190 hanggang 200 pounds pero puro taba naman. Maliit ang muscle, malaki ang tiyan. That was my unhealthiest part of my life,” sabi ni Kuya Kim.
Hanggang lumabas ang mga sakit at nakaranas ng stroke si Kuya Kim noong 2010. Sa kabutihang palad, gumaling ang TV host.
“Sabi ko kay Lord ‘Lord pagka ako’y gumaling, I’ll be the fittest Kim that I can be,” sabi ni Kuya Kim.
Kaya sa kaniyang Oplan Balik-Lusog na lifestyle, sumali ng mga marathon, triathlon at full Ironman si Kuya Kim.
Sa pagdagdag ng kaniyang edad, goal naman ngayon ni Kuya Kim ang magkaroon ulit ng muscle at magpababa ng taba.
Bukod sa mga movement na ipinagagawa sa kaniya ng mga coach, mahalaga rin ang pahinga.
Para kay Kuya Kim, numero unong kalaban ng isang tao pagdating sa pagkain ang sugar. Dapat kaunti lang ang kinakain na matatamis at sa halip ay damihan ng mga pagkaing fibrous o quality protein.
Bukod sa katawan, nakatutulong din ang workout sa mental health. Kaya maging ang anak niyang si Emmanuelle o Emman ay sumasabak na rin sa fitness.
“Ang payo ko sa mga gustong maging fit. You start at your own level first, huwag mong tingnan ‘yung mga malalakas sa gym, mga malalakas bumuhat, darating ka rin diyan. You start with form, dapat tama ang porma mo, get a good coach kung you can afford,” sabi ni Kuya Kim.-- FRJ, GMA Integrated News