May proyektong gagawin ang magkaibigan at mga award-winning actress na sina Eugene Domingo at Dolly De Leon sa 2025.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, pinabasa ni Tito Boy kay Eugene ang maikling liham na isinulat ni Dolly para sa kaniya.
Binalikan ni Tito Boy ang inilahad ni Dolly noong nakaraang linggo sa programa na sinagot ni Eugene ang tuition fee ng kaniyang anak [Dolly].
Si Eugene rin ang tumulong kay Dolly noong mga panahong dumaan ito sa mga pagsubok sa buhay.
“Dear Uge. Hermana! I’m so looking forward to 2025. In the meantime I will sum everything up in three sentences. ‘You’re everything to me...”
Naging emosyonal si Eugene sa naturang mensahe ng kaibigan.
“Thank you for... love you, alam mo na ‘yan. Four sentences pala,” pagpapatuloy ni Dolly sa kaniyang liham.
Para kay Eugene, hindi na niya kailangang isapubliko pa ang ginawang pagtulong kay Dolly.
“Hindi ko alam kung ano ang reaksyon ko diyan, kasi secret naman ‘yan, hindi naman ‘yan ‘yung talagang sasabihin mo... I don’t think you should talk about it,” saad ng award-winning actress.
Naikuwento rin ni Dolly na si Eugene ang nagbigay sa kaniya ng mga payo tungkol sa paghahanda sa mga awarding ceremony, matapos ang kaniyang historic na nominasyon sa Golden Globes at British Academy of Film and Television Arts (BAFTAs).
Kuwento ni Eugene tungkol dito, "I thought did not have to give her tips on how to smart and how to talk, because she knows that, she’s a natural and she’s very talented. Binigyan ko na lang siya ng practical na tip kasi baka makalimutan niya to bring comfortable shoes because it’s so uncomfortable na chika ka nang chika tapos ang sakit ng paa mo,”
Kasabay nito, inanunsyo ni Eugene na tinatrabaho nila ni Dolly na magkasama sa isang [theater] play, patungkol sa nakasaad sa mensahe na "looking forward to 2025."
“We want to do a play and we’re looking for producers. But we already asked Harlene Bautista and she said ‘Go na ‘yan!,’” masayang balita ni Eugene.
Si Harlene, na isang dating child star, ay isa ring film producer.
Naging maugong ang pangalan ni Dolly matapos tanghaling Best Supporting Actress sa North Dakota Film Society para sa pelikulang “Triangle of Sadness.”
Nakatanggap din siya ng mga nominasyon sa British Academy Film Awards, Columbus Film Critics Association, Dorian Awards at Dorian Awards.
Itinanghal namang Best Actress si Eugene sa ika-7 Cinemalaya Film Festival at ika-10 Gawad Tanglaw for Films para sa “Ang Babae Sa Septic Tank.”
Wagi rin siyang Best Actress sa ika-35 Gawad URIAN Awards para sa nasabing pelikula. -- FRJ, GMA Integrated News