Inilahad ni Eugene Domingo na nakilala niya ang Italian partner niyang si Danilo Bottoni noong mga panahon na tanggap na niya ang pagiging single at naisip na niyang pumasok sa kumbento.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, ikinuwento ni Eugene na una silang nagkakilala ni Danilo sa isang film festival sa Udine, Italy kung saan ipinalabas ang pelikula niyang “Barber’s Tales.”
“I was alone, I was exhausted in general, in life. I was already surrendering a life of being a single or maybe I could enter the convent, ‘yun na talaga ang iniisip ko,” sabi ni Eugene.
“And then all of a sudden he appeared in front of me. I was scared because baka stalker or something,” pagpapatuloy ni Eugene.
Hanggang sa magpakilala si Danilo na isang film critic, na mahilig manood ng Asian films, partikular ang mga pelikulang Pinoy.
Katunayan, napanood ni Danilo ang mga pelikula ni Eugene na Kimmy Dora, Ang Babae Sa Septic Tank at ang Barber’s Tales.
Humiling daw si Danilo sa kaniya ng interview.
“I said ‘I cannot give you that, you should ask permission.’ Paano pa ako ‘di ba, kasi wala na roon ‘yung isip ko, okay na akong maging single,” saad niya.
Kalaunan, natuloy ang interview ni Danilo kay Eugene.
“Habang kinakausap niya ako, nagandahan ako sa mata niya. Tapos nakita ko na ang gwapo niya, parang nagising ako, namulat akong ganiyan. Sabi ko, ‘(Tulala).’ Noong gusto ko na siyang maging friend o makausap siya nang matagal, tinawag na siya ng parang Aster Amoyo (talent manager) doon sa Italy,” anang multi-awarded actress.
“Noong umalis na siya parang, ‘Ay, wala na...’” pagpapatuloy ni Eugene.
Si Eugene naman ang nagka-interes kay Danilo. Pag-uwi niya sa Pilipinas, hinanap niya ang e-mail ng film critic at ang editor nito.
“I am Eugene Domingo, an actress from the Philippines. Your writer Danilo Bottoni interviewed me. I just want to thank him...” mensahe ni Eugene.
Kalaunan, sumagot si Danilo sa e-mail at doon na nagsimula ang kanilang pag-iibigan.
“Noong umuwi ako from Italy na hindi ko na siya nakita, sabi ko ‘‘Yun na ‘yun eh. Palalagpasin ko pa ba eh nararamdaman ko na? Pinursue ko,’” masayang kuwento ni Eugene. -- FRJ, GMA Integrated News