Sa kabila ng kontrabida at matatapang na role na kaniyang ginagampanan sa pelikula at telebisyon, inilahad ni Glaiza De Castro na hindi siya palaban sa totoong buhay.

“Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, inalala ni Glaiza na ang “Kung Aagawin Mo ang Lahat sa Akin” (2009) sa Kapuso Network ang pinakauna niyang kontrabida role.

“Nagpa-bangs ako, kasi tina-try ko eh, dahil sa totoong buhay hindi po talaga ako palaban,” sabi ni Glaiza.

“So feeling ko ‘yung roles na ginagampanan ko, pinu-push niya si Glaiza para maging palaban sa totoong buhay,” dagdag ni Glaiza.

Mas nakilala pa si Glaiza bilang palaban matapos gumanap bilang si Pirena sa 2016 remake ng “Encantadia.”

Nakita rin ang pagiging competitive ni Glaiza nang maging bahagi ng cast ng Running Man Philippines (2022).

Sa kabila nito, hindi natatakot si Glaiza bilang aktres na sumubok ng iba’t ibang looks para patuloy na maging interesado sa kaniya ang fans.

“Noong lumalaki ako, noong high school ako, mahilig akong manood ng movies, tapos idol ko rin sina Britney Spears, every music video iba-iba ‘yung looks nila, iba-iba ‘yung tema ng music video nila. Feeling ko na-envibe ko ‘yon noong bata ako,” sabi ng Kapuso actress.

“Na-realize ko na ‘yung industry ng showbiz napakalawak niya, ang dami mong puwedeng gawin. Puwede mong gawing playground ‘yung pagiging aktor,” ani Glaiza.

May mga pagkakataon ding nababagot si Glaiza sa kaniyang looks, kaya iniiba niya ito.

“Feeling ko rin po sa akin muna nanggagaling muna ‘yung boredom. ‘Bored ako sa hair ko, parang gusto kong magpakulay.’ Actually gusto ko pong magpakulay ngayon eh,” sabi niya.-- FRJ, GMA Integrated News