Maayos na isinilang ni Joyce Pring ang second baby nila ni Juancho Triviño na isang babae.
Nitong Lunes, ibinahagi ni Joyce sa Instagram ang kaniyang birthing story na may kasamang mga larawan nila ni Juancho at kanilang bagong baby.
"Our little girl arrived early morning on a Friday (just like her kuya) on April 21, 2023," saad ni Joyce.
Ayon kay Joyce, 40 weeks and three days bago nila ganap na nakasama ang kanilang baby girl-- si Agnes Eleanor Pring Triviño, o "Aggie."
"We had been praying for her arrival — going through the roller coaster of excitement and anxiety that the third trimester brings," saad niya. "And now she's here, finally."
Nagpasalamat si Joyce sa kaniyang birthing team sa Makati Medical Center, at sa mga taong bumati at nagpaabot sa kanila ng pagmamahal.
"Please pray for our family as we now go into this new chapter of being a family of four," sabi ni Joyce, na itinuturing din bahagi ng pamilya ang dalawa nilang alagang aso.
Pebrero noong 2020 nang ikasal sina Joyce at Juancho. Lalaki ang una nilang anak na si Alfonso Eliam, na isinilang isang taon matapos silang ikasal. — FRJ, GMA Integrated News