Ipinaabot ng fans ni Moonbin ang kanilang pakikiramay nang punuin nila ng mga bulaklak, sulat at larawan ang memorial altar ng pumanaw na K-pop singer sa South Korea.

Sa ulat ng “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing natagpuang walang buhay si Moonbin sa kaniyang apartment sa Seoul nitong Miyerkoles.
 
Nauna nang nakiusap ang kaniyang agency na Fantagio na iwasang magpalaganap ng haka-haka at malisyosong impormasyon.
 
"On April 19, Astro member Moonbin unexpectedly left our world and became a star in the sky," saad sa isang pahayag ng Fantagio sa opisyal na Twitter page nito.
 
Naging child actor si Moonbin sa South Korea bago naging idol noong 2016.
 
Sumali si Moonbin sa trainee program ng Fantagio sa murang edad at nag-debut sa grupong Astro noong Pebrero 2016, na may anim na miyembro noong mga panahon na iyon. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News