Inihayag ni Juancho Triviño na pangalawang kasal na nila ni Joyce Pring ang nasaksihan ng publiko noong February 2020.

Sa podcast na "Updated With Nelson Canlas," sinabi ni Juancho na una silang ikinasal ni Joyce noong October 2019, dalawang buwan matapos ang kanilang engagement.

"'Yung February 2020 'yung #PringHometheJuan was our second marriage already. We already got married before that," anang aktor.

"So we got engaged August, we got married ng kaming dalawa during my show in 'Madrasta.'"

Nagsimula ang romantikong relasyon nina Juancho at Joyce nang magkasama sila bilang mga host ng  GMA-7 morning show na "Unang Hirit."

Opisyal na naging magkasintahan ang dalawa noong December 2018.

Ayon kay Juancho, gusto na nila ni Joyce na magpakasal na agad kaya sumailalim na sila sa marriage counseling.

"So hindi pa ako nagpo-propose pero nag-pre-marital counseling na kami para alam na namin 'yung mga bagay na hindi usually dinidiscuss on dates," kuwento niya.

Kabilang daw sa kanilang mga napag-usapan ang tungkol sa pinansiyal, ang kanilang childhood traumas, mga nakaraang relasyon at mga karanasan.

Tatlong taon makaraang ikasal, magkakaroon na ng pangalawang anak sina Juancho at Joyce.

Taong 2021 nang isilang ni Joyce ang first baby nila na si Eliam, at babae naman ang paparating nilang baby.—FRJ, GMA Integrated News